Lumang Bahay sa Gitna ng BayanLumang Bahay sa Gitna ng Bayan is a Registered Property, Municipality of Sampaloc, Quezon located at Sampaloc, Quezon, Region IV-A.
Tinatayang taong 1920 naipagawa ng mag-asawang Juanario Obmina at Petra Valiente ang agaw pansing bahay sa gitna ng bayan ng Sampaloc. Ito ay matatagpuan sa Barangay San Isidro. Si Juanario o kilala sa tawag na Naryo ay hindi ganoon kakilalang tao sa bayan ng Sampaloc sapagkat sinasabing ang mag-asawang ito ay naglagi at nanirahan sa Cavinti Laguna. Sila ang isa sa pinakamayaman sa panahon noon kaya naman naipatayo nila ang sinasabing bahay na nito.
Ang mga materyales na ginamit dito ay yari sa matitibay na kahoy, galvanized iron na bubong na nakakontrata sa halagang isang libong piso noong panahong yaon. Ang hagdanan noon ay nasa loob, ngunit nabago ito at inalabas taong 1948 nang maging eskwelahan ito na kung tawagin ay Luzonian Academy. Noong mga panahon ding iyon ay iilan pa lamang ang mga estudyante at agad itong nailipat ng magpatayo ng eskwelahan sa tapat ng simbahan. Gayundin ay ginamit ito bilang paaralan ng elementary. Ang silong ng bahay na ito ay nagging tindahan ng isang Instik na si Ang-Go-Ko na mas kilala sa tawag na Kuna na nawala ng magsimula ang panahon ng Hapon.
Bilang isa sa pinakamalaking bahay sa panahon noon, ito ang nagsilbing residensyal o pahingahan ng ilan sa kilalang tao tulad ni Manuel L. Quezon. Nang bisitahin ni quezon ang Sampaloc, isinasakay siya sa hamaka pasan ng kanyang mga tauhan dahil noo’y wala pang kalsada at hindi pa nadadaanan ng mga sasakyan ang bayan ng Sampaloc. Tinatayang taong 1970, tumira ang mga aktibista sa bahay na ito upang labanan si Judge Ladines ng Rural Bank of Lucena at para tulungan na rin ang mga Sampalukin. Nagsilbi rin itong headquarters noong panahon ng Hapon. Hindi matiyak at walang makapagsabi kung ano ang kakaibang nangyari sa bahay na ito subalit sinsabi at hinihinala ng iba na may mga nakatanim ditong mga bomba. Binalik hukayin ang buong kabahayan upang suriin kung ano ba talaga ang mayroon doon subalit hindi rin ito natuloy. Nang itayo ang bahay na ito, iba’t ibang digmaan ang nangyari at ito ang nagsilbing tirahan ng marami.
Sa kasalukuyan, ang bahay na ito ay nanatili at nakatayo pa rin. Ang silong nito’y bahagyang napalitan at pinasimentuhan at nagkaroon ng maliit na bodega. Ang naninirahan dito ay mga apo at ilang kamag-anak.