Spanish Arch is a Registered Property, Municipality of Sampaloc, Quezon located at Sampaloc, Quezon, Region IV-A.
Ang tulay ng Kastila ay matatagpuan sa Barangay Bataan. Taong 1700 nang simulang maipatayo ang isang daan o tulay na tinatawag na Arkong Bato o mas kilala ngayon na Spanish Arch. Naging posible ang pagpapatayo nito dahil sa nasabing sapilitang pagtatrabaho ng mga Sampalukin nang walang bayad. Walang nagawa ang mga tao dito kundi sumunod dahil may katapat na kaparusahan ang sinumang hindi makasunod sa pinag-uutos ng mga dayuhan. Isang kabang palo (25) gamit ang isang suplinang balat o uway na nilaya sa asohan, o kaya naman ay sampal at tadyak mula sa cabeza del baryo ang matatanggap na kaparusahan ng sinumang susuway sa mga kautusan.
Noong Abril 1899, sinasabing idaan dito ang pilak ng Republika sa pangunguna ni Heneral Ignacio Pawa na may kasamang mga kawal at maraming taong may dalang tatlumpong kahong naglalaman ng isanlibong pisong pilak bawat isa. Ang mga ito ay nagbubuhat pa sa Camarines, at pinagpasa-pasahan sa iba’t-ibang bayan, na dinala ng mga taga-Atimonan patungong Mauban at buhat doon ay dinala naman patungong Sampaloc na dadalahin naman patungong Lucban. Maraming maharlika, makabayan, tulisan, ordinaryong tao, pari… ang tumapak dito. Naging daan ng iba pang mahahalagang pangyayari sa mga karatig bayan.
Sa kasalukuyan, ang unang bahagi ng arkong ito sa pagitan ng kung tawagin ay una at pangalawang bato ay nasira na at hindi na matagpuan, marahil na rin siguro sa nagdaang digmaan at mga bagyo dito. Ang karugtong na bahagi naman nito na madadaanan kapag patungo ng Mainit ay natitira pa gayun din ang kalsadang bato na hinakot mula sa ilog.
Kung tutuusin, ang lugar na ito ay napakalaking bahagi ng kasaysayan na magpapa-alala ng mga ginawang pagbubuwis ng buhay at kabayanihan ng mga Sampaluking nagdanas ng hirap dito. Nawa ay magsilbi rin itong inspirasyon sa maraming Sampalukin na sa kabila ng mga pagsubok at paghihirap na pinagdaanan ng mga naunang henerasyon ay nanatiling matatag sa anumang pagsubok na dumaan sa kanila. –Likas Sampaloc