El Reloj del Centenario De BustosEl Reloj del Centenario De Bustos is a Registered Property, Province of Bulacan located at Bustos, Bulacan, Region III.
Bilang pagbubunyi kay Joseph Pedro de Busto na pinaghanguan ng pangalan ng Bayan ng Bustos, isang marangal na kabataan buhat sa Villaviciosa, Asturias, Espanya, kapitan heneral at gobernador ng Bulacan na, sa pangangasiwa ni Gobernador Heneral Simon de Anda y Salazar, pinamunuan ang pagtatanggol ng Pilipinas laban sa pananakop ng mga Briton, 1762, sa panahon ng Pitong Taong Digmaan. Nasawi, 1773, dahil sa kapahamakan habang nangangaso sa Marikina.
Ang kaniyang katapangan at katapatan sa tungkulin at Bansa ay pinananatiling-buhay magpasakabilang-ibayo man ng hangganan ng panahon: nakaukit sa diwa ng Bustosenyo na pinatunayan sa di-mabilang na pagkakataon sa paglipas ng mga taon sa pamamagitan ng kagitingan at masidhing pagsintang ipinamamalas ng bawat isa sa mga anak ng Bayang Dakila.
Sa pagtanaw sa Bantayog na ito, sa oras man ng kaginhawaan o kagipitan, ay magugunita ng bawat isa na minsang may isang taong tumindig sa balantok ng kasaysayan na naging at magpakailanma'y magiging balong ng inspirasyon at katatagan sa lahat. Ipinatayo ng mga Bustosenyo sa kabutihang-loob ni Ismael Trinidad at pinasinayaan sa Araw ng Pagkakaibigan ng Espanya at Bustos, 05 Mayo 2017, sa pagdiriwang ng Sentenaryo ng Pagsasarili ng Bustos, Bulacan, at Sesquisentenaryo ng Pagkakatatag nito bilang parokya.