← Back to List

Rizal Monument Pakil

Rizal Monument Pakil is a Registered Property, Municipality of Pakil, Laguna located at Pakil, Laguna, Region IV-A.

Simbulo ng pagmamahal at pagdakila ng mga Pakilenyo kay Dr. Jose Rizal.
_____
Si Dr. Jose P. Rizal sa Pakil

Ang pangunahing bayani ng bansa, si Dr. Jose P. Rizal, ay ipinanganak dito sa Calamba, Laguna kaya't ang kanyang kamusmusan at kabataan ay sa mga bayan dito sa lalawigan lumipas. Ang kaniyang mga magulang ay deboto sa mahal na Birhen de los Dolores na pintakasi dito sa Pakil, at ang kapistahan ay sa mga buwan ng Marso hanggang Mayo, na panahong tag-init. Sa mga sinulat ng bayani, kaniyang binanggit na siya ay laging naliligo sa Panghulo at dito ring nag-aaral lumangoy. (Capino at Buenaflor)
Sa kanilang pagdalaw sa Pakil, nakilala at naging panuluyan nila ang pamilya ni Manuel Regalado na ang bahay ay nasa nayong Malaking Ilog. Naging kaibigan ni Jose si Nicolas, anak ni Manuel Regalado, hanggang sila ay maging binata.
Binanggit ni Dr. Jose Rizal sa kaniyang Noli Me Tangere (Kabanata VI), itong bayan ng Pakil, na nagdiriwang at nag pupuri kay Birhen Maria de los Dolores ng "Turumba" o prosesyon na ang mga tao ay nagluluksuhan, sumayaw at kumanta. Sinabi niyang ang mga deboto sa Birhen ay karaniwang mga kababaihang humihiling na magkaroon ng anak.
Maagang nakapag-asawa si Nicolas, ngunit si Jose ay dumadalaw pa rin dito sa Pakil. Ang dahilan ay hindi lamang upang magsimba at maligo , kundi sa sanhing nakilala niya ang magandang dalaga na si Vicente Ybardolaza na isang mag-aaral o estudyante na mahusay pang tumugtog ng alpa. Sila ay naging magkaibigan. Dala ng kapalaran ng bayani, siya ay napilitang lumisan at pumunta sa ibang bansa. Hindi sila muling nagkita ni Vicenta hanggang sa ang bayani ay bumalik dito sa Pilipinas at binaril ng mga Kastila sa Bagumbayan. Samantala, nabalo na si Nicolas Regalado at kaniyang niligawan si Victoria na noo'y dalaga pa, at tuloy kaniyang nakaisang-dibdib. (Chronicle Magazine, July 14, 1962)
Ang bayan ng Pakil ay hindi nakalimot kay Dr. Jose P. Rizal. Ang isang kalye sa bayan ay sa kaniyang pangalan itinalaga. Sa plaza ay nakatayo ang bantayog ng bayani na itinayo noong 1921 ng kapisanang "Ang Mga Kababayan." Ang Kapisanang ito ay binubuo ng mga taga-Pakil na naninirahan sa Maynila at pinamumunuan nina Antonio G. Perez at mga Kagawad na Gelasio Galleros at Soledad Celis ni Perez. Ang kaarawan ng kamatayan ni Dr. Jose P. Rizal, Disyembre 30 ay ipinagdiriwang dito taun-taon mula pa noong 1916. May mga hinihirang na mga dilag at sila ay isinasasakay sa mga karosa at inililibot sa buong bayan. Mayroon ding mga palaro at sa gabi ay may mga balagtasan ay sayawan.

Naging mga tampok na dilag ang mag sumusunod:
Maria Ybardolaza
Dominga Espina
Teodula Jara
Florentina Laderas
Margarita Ybadolaza
Petra de Ramos
Soledad Celis
Fortunata de Ofonte
Gregoria Ybardolaza
Avelita Salem
Vicenta Cadsawan
Rubi Celis
Estelita Ybardolaza
Virginia Dalena
Amparo Osero

Open in Google Maps